-- Advertisements --

Na-intercept ng Israeli Air Force ang tatlong missiles na inilunsad ng Houthi rebels sa Yemen at Gaza nitong gabi ng Martes, Hulyo 1.

Tumunog naman ang sirens at muling nagpadala ng message alert ang Israeli authorities sa mga residente para balaan ang mga ito sa paparating na missiles at para magtago sa mga bomb shelters o mamad.

Umalingawngaw ang mga sirena sa iba’t ibang lugar sa Israel kabilang na sa holy land ng Jerusalem, Ben Gurion Airport, Modiin, Rishon Lezion at ilang settlements sa West Bank matapos magpakawala ang Houthis ng isang ballistic missile.

Sa kabutihang palad, walang naitalang nasugatan o napinsala sa Israel mula sa missile attack.

Inako naman ng Houthis na sila ang nasa likod ng pag-atake at sinabing pinunterya nila ang paliparan.

Ilang sandali pa, tumunog muli ang sirens sa may Gaza envelope na nakakasaklaw sa mataong lugar sa Southern District ng Israel matapos magpakawala ng dalawang rockets mula sa southern Gaza.

Ayon naman sa Israeli Defense Forces, na-intercept nila ang rockets at walang nasugatan sa pag-atake. Ang pinapakawalang rockets mula sa Gaza ay kumunti na lamang matapos ang 20 buwang labanan sa pagitan ng Israel at Hamas.

Kasunod naman ng missile attack mula sa Yemen, nagbanta si Israel Defense Minister Israel Katz sa Yemeni terror group na tratratuhin nila ang Yemen gaya ng Tehran kung saan kanila ding aatakehin ang Houthis sa Yemen gaya ng pag-atake sa “head of snake” sa Tehran.

Inihayag din ni US Ambassador to Israel Mike Huckabee na baka kailangang bumisita ng “B2 bombers” sa Yemen.

Matatandaan na ang B2 bombers ang ginamit ng Amerika sa pag-atake sa tatlong nuclear facilities ng Iran sa Fordow, Natanz at Isfahan noong Hunyo 22 sa layuning mabuwag ang nuclear program ng Islamic Republic.