Nadagdagan pa ang bilang ng nakansela at na-divert na flights mula at patungo sa Pilipinas at Middle East dahil sa pwersahang pagsasara ng airspace ng karamihan ng mga bansa sa rehiyon bunsod ng nagpapatuloy na malawakang palitan ng mga pag-atake.
Ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), umakyat na sa 42 flights ang nakansela habang tatlong iba pang flights ang na-divert, base sa monitoring kaninang alas-9:00 ng umaga ngayong Lunes, Marso 2.
Ito ay halos doble sa 23 flights na naunang napaulat na naantala nitong Linggo, Marso 1.
Ayon sa ahensiya, karamihan ng mga naantalang flights ay nangyari kahapon kung saan 30 ang nakansela.
Habang ang naka-schedule na limang flights ngayong Lunes ang nadagdag na nakansela. Bunsod nito, apektado ang mga flights patungong Doha, Dubai, Riyadh, Bahrain, Abu Dhabi, Hamad at Kuwait.















