Nagbabala ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa publiko na huwag tutukan ng laser beams at iba pang high-intensity lights ang mga eroplano dahil maaari itong magdulot ng panganib sa kaligtasan ng paglipad.
Sinabi ng CAAP na ang laser illumination ay maaaring makaapekto sa paningin ng piloto at magdulot ng pansamantalang disorientation, na posibleng makaapekto sa ligtas na operasyon habang nasa ere o habang lumalapag.
Giit pa ng ahensya, mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng civil aviation regulations ang pagpapailaw o pagtutok ng laser beams at iba pang matataas na intensity light sa mga aircraft.
Kung mapapatuyan maaaring umabot sa tatlong taong pagkakakulong ang posibleng kaharapin ng nagkasala, multa na mula P50,000 hanggang P500,000, o depende sa magiging desisyon ng korte.
Nagpaalala rin ang ahensya sa iba pang mga ipinagbabawal na gawain malapit sa paliparan, kabilang ang hindi awtorisadong pagpapalipad ng mga aerial objects, pag-aalaga ng mga ibong maaaring magdulot ng bird strike, pagpasok ng mga hayop sa airport premises, at pagtatayo ng mga istrukturang walang pahintulot.
Ayon sa CAAP na ang mga ganitong aktibidad ay maaaring makaapekto rin sa aviation communications at navigation systems, kaya’t mahalagang sundin ang mga regulasyon upang maiwasan ang aksidente.















