Nakikita ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang malaking potensyal ng sektor ng agrikultura sa bansa, partikular ang mga basurang nagmumula sa produksyon ng palay at niyog, bilang pangunahing sangkap para sa pagbuo ng sustainable aviation fuel (SAF).
Ito ang bagong anggulong tinututukan ngayon ng ahensya upang malawakang maibaba ang polusyon sa industriya ng abyasyon nang hindi nakokompromiso ang kaligtasan at operasyon ng mga eroplano.
Ayon sa CAAP, nasa napakagandang posisyon ang Pilipinas para sa naturang transisyon dahil sa masaganang industriya nito sa agrikultura.
Ang mga waste materials na nakukuha mula sa mga produktong agrikultural ay maaari umanong i-convert upang maging alternatibong jet fuel.
Target ng naturang inisyatibo na mapababa ng 65 porsyento hanggang 80 porsyento ang carbon emissions na nagmumula sa mga eroplano.
Bukod sa pagiging environment-friendly, tinitiyak din ng ahensya na ang SAF ay maaaring ligtas na ihalo sa mga conventional jet fuel na ginagamit sa kasalukuyan.
Upang pag-aralan ang kahandaan ng bansa, nagkasa ang CAAP ng 2026 Sustainable Aviation Fuel Policy Development Workshop noong Marso 24, 2026, kung saan nagpulong ang iba’t ibang industry stakeholders.
Nakapokus ang naging diskusyon sa mga kinakailangang hakbang upang suportahan ang pag-usad ng SAF sa Pilipinas.
Kabilang na rito ang pagkakaroon ng sapat na feedstock, makabagong teknolohiya para sa produksyon, capacity-building, matibay na suporta sa regulasyon, partisipasyon ng mga airline, at mga investment opportunities.















