-- Advertisements --

Naglabas ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ng Notice to Airmen o NOTAM na nagbabawal sa mga flight malapit sa Bulkang Mayon sa Albay kasunod ng katamtamang malakas na pagsabog nito nitong Biyernes.

Ayon sa CAAP, saklaw ng abiso ang himpapawid mula sa surface hanggang 19,000 feet. Nagsimula ito alas-1:27 ng hapon nitong Biyernes at mananatiling epektibo hanggang alas-11:53 ng umaga ngayong Sabado. Pinayuhan ang mga airline at flight operator na umiwas sa paglipad malapit sa bulkan.

Iniulat ng PHIVOLCS na tumagal nang halos anim na minuto ang pagsabog, mula alas-11:53 hanggang alas-11:59 ng umaga, na nagbuga ng kulay-abong abo hanggang 3,000 metro mula sa bunganga ng bulkan.

Dahil sa aktibidad, itinaas sa Alert Level 3 ang Mayon, na nangangahulugang tumataas ang posibilidad ng mapanganib na pagsabog.