Narekober ang dalawang labi ng mga nasawing bihag ng Hamas mula sa southern Gaza sa ikinasang military operation ng Israeli Defense Forces at Shin Bet security agency.
Isa dito si Yair Yaakov na napaslang ng Islamic Jihad militants sa kasagsagan ng terror attack na pinangunahan ng Hamas noong Oktubre 7, 2023.
Si Yaakov ay isang 59 anyos noong napaslang siya sa may Kibbutz Nir Oz at dinala kalaunan ang kaniyang labi sa Gaza.
Ang partner naman ni Yaakov at dalawa niyang anak ay binihag din subalit pinalaya kalaunan sa nakalipas na hostage agreement.
Kinumpirma din ng Israel na narekober nila ang ikalawang labi ng bihag sa naturang lugar subalit hindi pa isinasapubliko ang pagkakakilanlan nito bilang pagrespeto sa kahilingan ng kaniyang pamilya.
Sa isang statement, nagpaabot naman si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu kasama ang lahat ng mamamayan ng Israel at kaniyang maybahay nang lubos na pakikiramay sa mga pamilya ng mga nasawing bihag.
Muling ipinanawagan naman ng Hostages and Missing Families Forum ang kanilang demand sa mga decision-makers na magkaroon ng ganap at komprehensibong kasunduan para maiuwi na ang lahat ng 53 natitira pang mga bihag gayundin ang pagtatapos na ng labanan.
Ayon sa grupo, may 53 mga bihag pa ang nananatiling nasa Gaza, isa sa kanila ay binihag mula pa noong 2014. Habang 20 sa kanila ay pinaniniwalaang buhay pa at 31 naman ang nasawi na, ayon sa Israeli government.