Nakaharap sa hamon sa pagpapanatili ng kapangyarihan si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu sa halalan nitong Martes, habang sinusuri ng mga botante ang kaniyang pamumuno matapos ang pag-atake ng Hamas noong 2023, mga digmaan sa Gaza at Iran, at lumalalang pagkakahiwalay ng Israel sa pandaigdigang komunidad.
Nagtutunggali ang Likud party ni Netanyahu at mga kaalyado nitong nasa kanan laban sa alyansang pinangungunahan ni Gadi Eisenkot, isang dating hepe ng militar na may suporta mula sa kanan at sentrong pampulitika. Gayunman, wala pang malinaw na landas tungo sa kapangyarihan ang alinmang panig.
Ikinampanya ni Netanyahu ang kaniyang pamumuno sa panahon ng digmaan at ang ugnayan niya kay US President Donald Trump, na nagpahayag ng suporta sa kaniya. Samantala, inakusahan ni Eisenkot si Netanyahu ng paggamit ng pananakot at maling pahayag sa kampanya.
Posibleng umasa muli si Netanyahu sa suporta ng mga pinunong nasa dulong kanan na sina Itamar Ben-Gvir at Bezalel Smotrich upang makabuo ng pamahalaan. Kapag walang nakabuo ng mayoryang koalisyon sa 120-miyembrong parlamento, maaaring manatili si Netanyahu bilang caretaker prime minister habang hinihintay ang panibagong halalan sa susunod na taon.
Ayon sa Israeli Central Election Committee, nasa 7.3 milyon ang mga kuwalipikadong botante sa bansa, kabilang ang humigit-kumulang 330,000 na unang beses boboto.















