Gumanti ng air strikes ang Israel sa kabisera ng Yemen na Sanaa matapos magpaputok ng missiles ang Houthi rebels sa Israel.
Base sa Houthi Health Ministry spokesperson, kumitil ang air strike ng Israel ng anim na katao at ikinasugat ng 86 iba pang indibidwal.
Ang air strikes ng Israel ang pinakabago sa loob ng mahigit isang taong palitan ng pag-atake sa pagitan ng Israel at militanteng Houthi sa Yemen bilang parte ng spillover ng giyera sa Gaza.
Ayon sa Israeli Defense Forces (IDF), kabilang sa targets ang isang military compound kung nasaan ang presidential palace, dalawang power plants at isang fuel storage site.
Ipinaliwanag din ng Israeli military na isinagawa ang strikes bilang tugon sa paulit-ulit na pag-atake ng rehimen ng teroristang Houthi laban sa estado ng Israel at kanilang mga mamamayang sibilyan kung saan kabilang sa inilunsad ng rebeldeng grupo ay ang surface-to-surface missiles at unmanned aerial vehicles (UAVs) sa teritoryo ng Israel sa mga nakalipas na araw.
Nauna ng kinumpirma ng Houthis noong nakaraang linggo na nagpaputok sila ng ballistic missiles sa Israel sa kanilang pinakabagong pag-atake bilang pagsuporta sa mga Palestino sa Gaza. Kung saan batay sa Israeli Air Force official, maaaring may lamang ilang sub-munitions ang missiles na intensiyong pasabugin pagkabagsak nito sa target.
Ito naman aniya ang unang pagkakataon na inilunsad ng Houthis ang ganitong uri ng missile mula Yemen.
Matatandaan, nag-ugat ang mga pag-atake ng Houthis sa mga barko ng dumadaan sa Red Sea bilang pakikisimpatiya aniya sa kanilang kaalyadong Hamas sa Gaza na patuloy na may sigalot sa Israel.