-- Advertisements --

Ilang gusali ng pamahalaan, paaralan, at pasilidad sa komunidad sa Iloilo City ang nagkaroon ng bitak at minor na pinsala matapos ang magnitude 4.8 na lindol na tumama malapit sa baybayin ng Guimbal, Iloilo noong Marso 2.

Batay sa ulat ng Iloilo City Emergency Operations Center (EOC), natukoy ng mga inspector ang mga bitak at bahagyang pinsala sa ilang pasilidad tulad ng Mohon Barangay Hall sa Arevalo, Tanza Baybay Barangay Hall, Ortiz Barangay Hall, at ilang day care centers sa Jaro at Mandurriao. May naitalang pinsala rin sa Baldosa Barangay Hall sa Lapaz.

Kabilang din sa naapektuhan ang covered gym ng Ingore Elementary School sa Lapaz kung saan may mga bitak sa pader, beam, at kisame.
Naiulat din ang mga bitak sa covered gym sa San Pedro, Molo at sa isang apat na palapag na classroom building ng Ramon Avanceña National High School sa Arevalo.

Gayunman, nilinaw ng mga awtoridad na ang ilang bitak na nakita sa iba pang gusali tulad ng Iloilo Legislative Building, Central Market, at Iloilo Terminal Market ay naitala na bago pa man ang lindol.

Bilang pag-iingat, pansamantalang sinuspinde ang face-to-face classes sa 36 sa 65 paaralan sa lungsod habang isinasagawa ang structural inspection ng mga gusali.

Nagpatupad din ng online classes ang Iloilo City Community College habang nagsasagawa ng safety assessment.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), naganap ang lindol pasado alas-6:13 ng gabi noong Marso 2, may lalim na 11 kilometro at naitala mga limang kilometro sa timog-kanluran ng Guimbal, Iloilo.

Naramdaman ang Intensity IV na pagyanig sa Iloilo City at mga karatig bayan tulad ng Guimbal, Miagao, Tigbauan, at Oton. Naramdaman din ito sa ibang bahagi ng Western Visayas kabilang ang Antique, Aklan, Capiz, at Negros Occidental.

Ilang establisimyento at tanggapan ang pansamantalang nag-evacuate ng mga tao habang nagsasagawa ng safety checks.