-- Advertisements --

Sinalakay ng Houthi rebels ang mga tanggapan ng United Nations sa kabisera ng Yemen na Sanaa at ikinulong ang 11 UN personnel.

Ayon kay U.N. Secretary-General Antonio Guterres, pwersahang pinasok ng Houthis ang World Food Programme, kinumpiska ang mga ari-arian ng UN at tinangkang pasukin ang iba pang opisina ng UN sa kabisera.

Inilunsad ng Houthi rebels ang naturang raid kasunod ng strike ng Israel sa Sanaa noong Huwebes na kumitil sa prime minister ng Yemen na si Ahmed Ghaleb Nasser al-Rahawi at iba pang ministro.

Ayon naman kay UN Special Envoy for Yemen Hans Grundberg, ikinulong ang 11 staff ng UN sa Sanaa at port city ng Hodeidah.

Ito aniya ay karagdagan pa sa 23 iba pang UN staff na dati ng ikinulong mula pa noong 2021 kung saan isa ang nasawi sa kulungan ngayong taon.

Kabilang nga sa mga tanggapan ng UN na nakabase sa dalawang nabanggit na siyudad ang UNICEF, UN Development Programme at tanggapan ng UN High Commissioner for Refugees.