Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na may ilang Pilipinong seafarers ang kabilang sa mga ipinakitang crew members sa video na inilabas ng mga Houthi rebels mula Yemen, matapos ang pag-atake at paglubog ng cargo vessel Eternity C sa Red Sea.
Ayon kay DFA Undersecretary Eduardo De Vega, hindi pa tiyak ang bilang at pagkakakilanlan ng mga Pilipinong nakita sa video. Humingi rin ang DFA ng tulong sa Department of Migrant Workers (DMW) para sa karagdagang impormasyon.
Ayon sa Houthis, 11 crew members umano ang kanilang na-rescue dalawa sa kanila ay nasugatan at isa ang nasawi. Patuloy na nawawala ang 15 sa kabuuang 25 tripulante ng barko, ayon sa ulat ng EU naval force.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang mga Houthi attacks sa Red Sea laban sa mga barkong iniuugnay nila sa Israel, kasabay ng lumalalang digmaan sa Gaza.