Nagpahayag ng seryosong pag-aalala ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa Chinese embassy matapos lumala ang social media war sa pagitan ng mga opisyal ng Pilipinas at China tungkol sa pinag-aagawang karagatan.
Ayon sa DFA, ipinabatid nila ang kanilang “serious concerns” sa ”increasingly public exchanges” sa pagitan ng Chinese embassy at ng mga opisyal sa Pillipinas, kabilang sina Senators Risa Hontiveros, Kiko Pangilinan, at Erwin Tulfo.
Binibigyang-diin ng ahensya ang pangangailangan ng “sober, professional, and respectful exchanges” sa publiko habang pinapahalagahan ang pambansang interes at demokratikong diskurso ng Pilipinas.
Matatandaan na noong nakaraang linggo, isinumite ng China ang kanilang diplomatic protest sa pamamagitan ng Philippine Ambassador na si Jaime FlorCruz laban sa mga pahayag ni Philippine Coast Guard spokesperson Jay Tarriela.
Ilang mambabatas ng Pilipinas ang pumalag sa China sa ginawa ng nito kung saan tinawag ang mga pahayag ng Chinese embassy bilang “disrespectful and insulting.”
Binanggit pa ng DFA na kailangan ng maingat na pag-bibigay ng mga pahayag upang hindi maka-apekto sa ”diplomatic space” na kailangan para mapahupa ang pag-kakaibaiba ng dalawang bansa sa maritime domain nito.
















