Tuluyang ibinasura ng Senado ang pormal na hiling ni Senador Ronald Bato dela Rosa na hiramin ang Senate Mansion sa Baguio City para sa kaniyang pamilya matapos kumpirmahin ng pamunuan na sumasailalim pa ito sa pagkukumpuni.
Batay sa kumalat na liham na may petsang Marso 12, hiniling ng senador kay Senate President Vicente Tito Sotto III na magamit ang pasilidad mula Marso 26 hanggang 29.
Ito ay upang maging tuluyan sana ng kaniyang pamilya habang isinasagawa ang CSAFP Cup 2026 Shooting Competition sa firing range ng Philippine Military Academy (PMA).
Pormal namang kinumpirma ni Senate Secretary Mark Llandro Dong Mendoza na hindi napagbigyan ang nasabing request ni dela Rosa dahil hindi pa tapos ang repair sa mansyon.
Nauna nang tumanggi si Sotto na kumpirmahin o pabulaanan ang pagkalat ng nasabing sulat sa publiko.
Iginiit ng Senate President na isa itong privileged communication kaya ipinaubaya na lamang niya ang paglilinaw sa Senate Secretariat.
Sa kabila ng isyu sa pasilidad, tiniyak ni Sotto na patuloy na nakikibahagi si dela Rosa sa trabaho ng mataas na kapulungan.
Katunayan umano rito ang paglagda ng senador sa Senate Resolution 343, na naghihimok sa administrasyon na maglabas ng mga contingency plans bilang tugon sa umiiral na krisis sa presyo ng langis.
Matatandaang hindi na pisikal na nag-uulat sa Senado si dela Rosa simula pa noong Nobyembre 11, 2025.
Ang kaniyang matagal na pagliban ay nag-ugat kasunod ng mga ulat hinggil sa umano’y inilabas na warrant of arrest laban sa kaniya ng International Criminal Court (ICC).














