Tumulong ang Singapore sa paglikas sa 24 na Pilipino na naipit sa nagpapatuloy na kaguluhan sa Gitnang Silangan, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Kasama ang mga inilikas na Pilipino sa lulan ng Republic of Singapore Air Force A330 Multi-Role Transport Tanker na idineploy ng Singapore para mailikas ang kanilang 81 mamamayan mula sa Jeddah, Saudi Arabia.
Nagpaabot naman ng sinserong pasasalamat ang DFA sa gobyerno ng Singapore para sa pagtulong nito na mailikas kasama ang mga Pilipino, na nagpapakita aniya ng diwa ng pagkakaisa sa ASEAN, kung saan kapwa miyembro ang dalawang bansa.
Ipinaliwanag naman ng mga opisyal ng Pilipinas na hindi pa makapag-secure ng flight palabas ng Jeddah dahil sa limitadong flights bunsod ng patuloy na kaguluhan sa rehiyon.
Umalis ang Singaporean aircraft mula sa King Abdulaziz Internatinal Airport sa Jeddah hapon nitong Huwebes, Marso 12 at dumating sa Singapore bandang alas-sais ng umaga ngayong Biyernes, Marso 13.
Inaalalayan naman ng Embahada ng Pilipinas sa Singapore ang mga dumating na Pilipino sa kanilang pag-biyahe pabalik dito sa Pilipinas.
















