Kasalukuyang biniberipika na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang ulat hinggil sa Pilipinong namatay umano sa Ukraine na ni-recruit para makipaglaban kasama ng Russian forces.
Base sa mga ulat, natukoy ang Pilipinong ni-recruit umano ng Russia na si John Patrick. Nagsanay umano siya sa loob ng isang linggo bago dineploy sa isang assault mission malapit sa Novoselivka village sa Kramatorsk district.
Napaulat na binawian siya ng buhay matapos magtamo ng pinsala. Tanging armas, mga bala at maliit na piraso ng papel ang dala ng umano’y nasawing Pinoy. Naglalaman umano ang papel ng kaniyang unit number, phone number, at pangalan ng kaniyang commander.
Batay din sa report, hindi nakakapagsalita ng Russian ang nasawing Pinoy at nadiskubre na ang datos mula sa nakuhang electronic device niya ay hinggil umano sa recuitment practices ng Russia.
Ayon kay Foreign Affairs spokesperson Angelica Escalona, kanilang kinukumpirma ang naturang impormasyon at agad aniya itong ipapaalam sakaling maberipika ang naturang impormasyon.
Sa ngayon, wala pa ring pahayag ang panig ng Embahada ng Russia sa Maynila hinggil sa naturang ulat.










