-- Advertisements --

Iniimbestigahan ng Department of Energy (DOE) ang hanggang 70 gas station dahil sa umano’y pananamantala sa epekto ng giyera sa Middle East sa pamamagitan ng maagang pagpapatupad ng price hike.

Ang naturang bilang, ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, ay partial pa lamang, at tiyak posibleng madadagdagan habang nagpapatuloy ang pag-iikot ng DOE sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.

Nakitaan ang mga naturang kumpaniya ng biglaang pagtaas sa presyo ng kanilang mga produktong petrolyo bago pa man ang nakatakdang pagpapatupad ng price hike bukas.

Nangangamba namang ipasara ang mga ito o tuluyang makansela ang kanilang permit upang hindi na muli pang makapag-operate, salig sa otoridad ng DOE na magreview sa kanilang aksyon at magpasara sa kanilang operasyon.

Paliwanag ng kalihim, kung magkakaroon ng maayos na paliwanag ang mga may-ari ng mga naturang kumpaniya, posibleng payagan muli silang mag-operate, ngunit kung hindi ay tuluyan na silang ipapasara at hindi na rin bibigyan pa ng permit sa hinaharap.

Ayon kay Garin, ang kanselasyon ng permit at pagsasara ay maaaring ipag-utos kaagad ng ahensiya at tuluyan itong ipatupad kinabukasan, lalo na kung makikitaan ng mabigat na ebidensiya ang kanilang paglabag.