-- Advertisements --

Ipinasara ng Department of Migrant Workers (DMW), katuwang ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ang isang recruitment agency sa Cubao, Quezon City matapos umanong mahuling ilegal na nagre-recruit ng mga manggagawang Pilipino para sa makapagtrabaho sa Greece, Hong Kong, at Qatar kahit walang lisensya.

Ayon sa DMW, nadiskubre ang operasyon matapos ang pinaigting na cyber patrolling na tumukoy sa mga social media post na hayagang nag-aalok ng trabaho sa abroad.

Sa isinagawang entrapment operation, umano’y naningil ang ahensya ng mahigit P300,000 placement fee para sa mag-karoon ng trabaho sa Greece at hanggang P35,000 naman para sa Hong Kong.

Tatlong indibidwal ang nahuli ngunit itinanggi ng mga ito ang paratang.

Natuklasan din ng mga awtoridad ang isang service agreement na posibleng nag-uugnay sa ahensya, isang recruitment firm, at isang medical facility, na nagdulot ng pangamba sa posibleng paniningil ng dagdag na bayad sa medical requirements.

Sinabi ng DMW na tinutukoy pa kung ilang manggagawa ang na-deploy ng ahensya at makikipag-ugnayan ito sa mga apektado upang magbigay ng tulong at tumanggap ng reklamo.

Ito na ang ikatlong recruitment agency na isinara ngayong taon, habang binigyang-diin ng DMW na ang ilegal na recruitment sa social media ay maaaring mauwi sa human trafficking.