Ibinahagi ni Kris Aquino ang panibagong update sa kanyang kalusugan matapos niyang ihayag na siya ay may Deep Vein Thrombosis (DVT), isang seryosong kondisyon na dulot ng pamumuo ng blood clots.
Sa kabila nito, nananatiling positibo ang Queen of All Media at umaasang tuloy-tuloy ang kanyang paggaling.
Sa isang Instagram post noong Pebrero 1, sinabi ni Kris na anim na linggo na siyang naka-confine at inaasahang makakauwi na sa loob ng ilang araw.
Ipinaliwanag niyang hindi pa siya maaaring bumiyahe sakay ng eroplano hangga’t hindi nawawala ang mga blood clot.
“Kasi may mga blood clot ako dito, so kailangan on its own matunaw,” ani Kris habang itinuturo ang kanyang mga braso.
Bahagi ng kanyang rehabilitation ang pag-eehersisyo at paglangoy, kaya humingi siya ng tulong sa publiko sa paghahanap ng lugar na may swimming pool na malapit sa mga ospital.
Ipinakita rin ni Kris ang kanyang pasasalamat sa medical team na tumutok sa kanyang gamutan at ibinahagi ang kanyang pananabik sa kanyang kaarawan sa Pebrero 14, na tinawag niyang posibleng “rainbow year” matapos ang mga pinagdaanang pagsubok.
“Although this is not our home, we’ve been here for six weeks. Pero finally in three days we will be allowed to go home,” ayon pa kay Kris.
Sa kabila ng kanyang kalagayan, sinabi ni Kris na patuloy siyang lumalaban para sa kanyang mga anak na sina Josh at Bimby, at unti-unti ring pinaghahandaan ang pagbabalik sa paggawa ng isang video podcast na dahan-dahan niyang sisimulan depende sa kanyang kondisyon.















