Itinuturing ng Palasyo Malacañang na senyales ng magandang relasyon ng dalawang pamilya ang pagbisita ni Queen of All Media Kris Aquino at ng kanyang mga anak na sina Josh at Bimby kay First Lady Liza Araneta-Marcos.
Ayon kay Palace Press Officer at Communications Undersecretary Claire Castro, bagama’t wala pa umanong ibinabahaging detalye ang First Lady tungkol sa kanilang pag-uusap, nagpapakita umano ang pagbisita ni Kris nang maayos na relasyon ng magkabilang panig.
Sinabi ni Castro na sinubukan niyang tanungin ang First Lady tungkol sa kanilang pagkikita, pero wala pa itong ibinabahaging impormasyon.
Hindi rin malinaw kung ano ang pinag-usapan nina Kris at ng First Lady.
Gayunpaman, sinabi ni Castro na naging masaya umano ang magkabilang panig sa naturang pagbisita.
Kung sakaling magbahagi ang First Lady ng detalye tungkol sa kanilang pag-uusap, sinabi ni Castro na ibabahagi rin niya ito sa publiko.
Matatandaang mismong si First Lady Liza Araneta-Marcos ang nagbahagi sa kanyang Facebook page tungkol sa pagbisita nina Kris, Josh at Bimby nitong Linggo, Agosto 9.
Nagdala umano ang mag-iina ng ilang cake para sa First Lady bilang sorpresa bago ang kanyang kaarawan sa Agosto 21.
Nagpasalamat naman ang First Lady sa kanilang pagbisita.















