-- Advertisements --

Suspendido ng isang taon ang abogado na si Atty. Jesus Falcis III matapos siyang mapatunayang nagkasala ng simple misconduct kaugnay ng isang kontrobersyal na post sa social media.

Ayon sa Korte Suprema, lumabag si Falcis sa itinakdang pamantayan ng pag-uugali para sa mga abogado dahil sa paggamit umano niya ng masasakit at hindi angkop na pananalita sa isang post noong 2018.

Nag-ugat ang kaso nang depensahan ni Falcis ang kanyang kapatid na si Nicko Falcis matapos akusahan ng qualified theft ng aktres at television personality na si Kris Aquino. Sa kanyang social media post, gumamit umano siya ng mga pagmumura at pananalitang nakainsulto laban sa mga sumusuporta kay Aquino.

Iginiit ni Falcis na bahagi ng kanyang karapatan sa malayang pagpapahayag ang kanyang naging pahayag. Ngunit sinabi ng Korte Suprema na may mga limitasyon ang kalayaang ito para sa mga abogado dahil inaasahan silang maging maingat, responsable, at propesyonal sa kanilang mga kilos at pananalita, maging sa social media.

Ayon pa sa Korte Suprema, maaaring ipinagtatanggol lamang ni Falcis ang kanyang kapatid, ngunit dapat umano itong ginawa sa pamamagitan ng maayos na paliwanag at makatwirang argumento, hindi sa pamamagitan ng pagmumura at personal na pag-atake.

Dahil dito, pinatawan siya ng isang taong suspensyon sa pag-aabogasya.

Samantala, sinabi naman ni Falcis na kanyang tinatanggap at igagalang ang desisyon ng Korte Suprema. Aniya, ginawa lamang niya ang kanyang mga pahayag noon upang ipagtanggol ang kanyang pamilya sa panahong nahaharap sila sa matinding kontrobersiya.