-- Advertisements --

Inaasahang haharap mismo sa Sandiganbayan bilang testigo ng sariling depensa si Leyte Representative Martin Romualdez sa P7.44-bilyong plunder case laban sa kanya.

Ayon sa kanyang abogado na si Atty Ade Fajardo, nais ni Romualdez na magkaroon ng pagkakataong ipagtanggol ang sarili sa korte matapos pormal na tapusin ng Sandiganbayan third division ang pre-trial proceedings.

Maaari ring iharap ng depensa ang ilang security aide at driver ng co-accused na si dating Ako Bicol Representative Zaldy Co, kabilang si Orly Guteza, na sinasabing binawi ang kanilang mga naunang pahayag.

Ayon kay Fajardo, sinabi ni Guteza sa bago nitong sinumpaang salaysay na bahagi umano ng isang setup ang kanyang naunang testimonya.

Tinatayang nasa 40 ang mga posibleng testigo ng depensa, ngunit maaari pa itong magbago depende sa mga ebidensyang ilalahad ng prosekusyon.

Nananatiling nakakulong si Romualdez sa Quezon City jail–male dormitory sa Payatas, habang nananatiling at large ang tatlo niyang co-accused, kabilang si Co.

Samantala, pinaalalahanan ng Sandiganbayan ang abogado ni Romualdez na si Judd Roy matapos nitong kuwestiyunin sa media ang pagbabasa ng information sa arraignment.

Ipinaalala ng korte na regular itong bahagi ng proseso upang matiyak ang karapatan ng akusado na malaman ang mga paratang laban sa kanya.

Sinabi naman ni Fajardo na iginagalang ng depensa ang posisyon ng korte at dapat manatiling magalang ang mga abogado bilang officers of the court.