Magpapasaklolo na ang Pilipinas sa mga kaibigan nitong bansa para tumulong na mapalaya ang mga Pilipinong tripulante na hawak ng mga rebeldeng houthis sa Yemen.
Matatandaan, nitong Martes, Hulyo 29, kinumpirma ni Department of Migrant Workers (DMW) Sec. Hans Leo Cacdac na nasa kamay ng houthis ang nasa 9 na Pinoy seafarers na lulan ng inatake at lumubog na MV Eternity C.
Noong Lunes naman, Hulyo 28, naglabas ang rebeldeng grupo ng video footage ng mga tripulante na napaulat na nawawala matapos ang mga pag-atake sa mga cargo ship na MV Eternity C at Magic Seas, at sinabing sinagip umano nila ang naturang mga tripulante.
Subalit, inakusahan naman ng Amerika ang Houthi rebels ng pagdukot sa mga tipulante.
Ayon naman kay Foreign Undersecretary Eduardo De Vega, hindi sila direktang makikipag-negosasyon sa Houthi rebels kundi hihingi sila ng tulong mula sa mga kaibigang bansa.
Mahalaga din aniya ngayon ay buhay ang mga Pilipino seafarers na nasa kamay ng Houthi rebels.
Samantala, hinimok naman ng Cosmoship, may-ari ng MV Eternity C, ang Houthis na palayain na ang crew members nito sa lalong madaling panahon.