-- Advertisements --

Iniulat ng Department of Migrant Workers (DMW) na ligtas at walang nasaktang Pilipino sa Iran sa gitna ng nagpapatuloy na pag-atake ng Amerika at Israel.

Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, mas kaunti na lamang ang mga overseas Filipino worker (OFW) sa Iran dahil mayroon ng inisyal na nakauwi sa bansa sa nakalipas na taon at nagpatupad na rin ng deployment ban.

Base sa datos ng ahensiya, umaabot sa 80 Pilipino na nasa Iran ay OFWs, habang may mga ikinasal sa Iranian nationals, at may pamilya na doon. Marami sa mga Pilipino ay nasa labas ng kabisera ng Tehran, kung saan ilan ay nagtratrabaho sa agricultural at iba pang sektor.

Sa kabuuan, base sa datos naman ng Department of Foreign Affairs (DFA), mayroong 823 Pilipino sa Iran.

Samantala, nauna nang nilinaw ng DFA na nananatili sa Alert Level 2 o restriction phase ang Iran sa kabila pa ng joint attack ng Amerika at Israel sa naturang bansa.

Sa ilalim ng Alert Level 2, inaabisuhan ang mga Pilipino na lumikas sa ligtas na shelter, limitahan ang non-essential movements, iwasan ang pampublikong mga lugar at maghanda para sa paglikas o repatriation.