Nangako ang Department of Migrant Workers (DMW) ng buong suporta sa pamilya ng isang Pilipinong seafarer na nawawala matapos tamaan ng missile ang tugboat na sinasakyan nito sa Strait of Hormuz.
Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, nakipag-ugnayan na ang DMW sa pamilya at personal na binisita ng kanilang team ang bahay ng seafarer habang hinihintay ang resulta ng search and rescue operations.
Batay sa ulat, sakay ang nawawalang Pilipino sa UAE-registered tugboat na Musaffah 2 na ipinadala upang tumulong sa container ship na Safeen Prestige na na-stranded matapos tamaan ng missile.
Tinamaan umano ng dalawang projectile ang tugboat, nagliyab, at tuluyang lumubog. Ligtas naman ang mga crew ng distressed vessel.
Sinabi ng DMW na patuloy nilang mino-monitor ang humigit-kumulang 6,400 Pilipinong seafarers sa mga barko sa naturang rehiyon at lahat ay naitalang ligtas.
Samantala, nauna nang naglabas ang DMW ng advisory na nagdedeklara sa Persian Gulf, Strait of Hormuz, at Gulf of Oman bilang “warlike operations areas,” kung saan may karapatan ang mga seafarer na tumangging maglayag sa mga high-risk na lugar at obligadong magpatupad ng dagdag na seguridad at benepisyo ang mga shipowner.










