24 barangay sa Bacolod City ang lubog sa baha nitong weekend matapos ang walang patid na tigil ng malalakas na pag-ulan.
Kung saan ilang motorista at pedestrian ang stranded sa rumaragasang baha sa Barangay Mandalagan noong Sabado ng gabi.
Nahihirapan umanong umusad ang mga motorsiklo at multicab dahil sa lakas ng agos ng tubig.
Ilan pang pangunahing kalsada sa lalawigan ang nalubog din sa baha noong Sabado ng gabi, dahilan upang maraming commuter ang ma-stranded.
Sinabi ni Bacolod City Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) head Anna Maria Pornan na nasa ilalim ng yellow rainfall warning ang Negros Occidental noong mga oras na iyon.
Matapos ang pagbaha, nagsagawa ng clearing at declogging operations ang mga tauhan ng Bacolod City Engineering Office upang mapabilis ang pagdaloy ng tubig.
Ayon sa Bacolod City DRRMO, umabot sa 146 na indibidwal ang pansamantalang inilikas noong Sabado, ngunit nakabalik na rin sa kani-kanilang tahanan ang mga residente pagsapit ng Linggo ng umaga.
Sa kabilang dako ilan pang lugar sa Negros Occidental ang naapektuhan ng malalakas na ulan nitong weekend.
Sa bayan ng Toboso, tumulong ang Bureau of Fire Protection (BFP) sa pagsagip sa mga residenteng na-stranded dahil sa baha.
Samantala, sa Sagay City, dalawang barangay ang binaha na nagbunsod sa pre-emptive evacuation ng mga residente.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang shear line ang sanhi ng patuloy na pag-ulan sa Visayas at ilang bahagi ng southern Luzon noong Sabado.
















