-- Advertisements --

Binigyang-diin ni Comelec Chairman George Erwin Garcia sa pagtalakay ng Kamara ukol sa Anti-Political Dynasty Bill, na dapat malinaw, tiyak, at madaling ipatupad ang batas na babalangkasin.

Hangad din ni Garcia na maaga itong mabuo para makahabol sa mga paparating na eleksyon.

Ayon sa kanya sa panayam ng Bombo Radyo, hindi dapat bigyan ng sobrang kalayaan ang Comelec sa interpretasyon upang maiwasan ang kalituhan at hindi pantay na pagpapatupad.

Giit ni Garcia, kung hindi agad maipapasa ang panukala, maaapektuhan ang paghahanda para sa 2028 elections.

Ipinaliwanag ng opisyal na may natitira na lamang isang taon at anim na buwan bago ang filing ng Certificates of Candidacy kaya’t kritikal ang oras para sa voter education at implementasyon.

Binanggit din niya ang posibleng conflicts sa penalties gaya ng disqualification at cancellation of candidacy.

Dagdag pa, maaaring magkaroon ng loopholes kung hindi maayos ang pagkakabuo ng batas.

Sa kabuuan, nanawagan si Garcia na gawing malinaw at tiyak ang Anti-Political Dynasty Law upang matiyak ang patas na halalan at maiwasan ang problema sa darating na eleksyon.