-- Advertisements --

Nagpahayag ng matinding pagdadalamhati ang Commission on Elections (COMELEC) sa pagpanaw ni Dir. James Jimenez, dating Spokesperson at Director IV ng Education and Information Department ng ahensya.

Kilala si Jimenez bilang matapat na tagapaglingkod na nag-alay ng kanyang talino, tapang, at dedikasyon para sa institusyon at sa sambayanang Pilipino.

Si Jimenez ay may natatanging karangalan bilang pinakamatagal at pinakabatang tagapagsalita ng pamahalaan sa panahon ng kanyang pagkakatalaga.

Mula Hulyo 2006 hanggang Setyembre 2022, siya ang naging mukha at tinig ng COMELEC – nagpapaliwanag ng masalimuot na proseso ng halalan nang may linaw, ipinagtatanggol ang demokratikong institusyon nang may kapanatagan, at nakikipag-ugnayan sa mamamayan at midya nang may respeto, talino, at pagiging bukas.

Sa iba’t ibang yugto ng halalan, si Jimenez ang nanguna sa pagbibigay ng impormasyon sa publiko sa mga panahong puno ng pagsusuri at pambansang kahalagahan.

Isa sa kanyang mga ambag ang pagpapatatag ng opisyal na social media channels ng COMELEC, na nagbigay ng tuwirang daan para sa publiko na maiparating ang kanilang mga tanong at alalahanin.

Sa kanyang pagsusumikap, naitaguyod niya ang katumpakan, transparency, at accessibility, at naipaliwanag ang mga teknikal at legal na usapin sa paraang madaling maunawaan ng karaniwang mamamayan.

Bukod sa kanyang tungkulin bilang Spokesperson, kinilala rin si Jimenez ng kanyang mga kasamahan dahil sa kanyang talino, pagiging makatao, at mabuting pakikitungo.

Siya ay naging maaasahang katuwang at nakapagbigay ng kapanatagan sa mga pinakamahirap na yugto ng pamamahala ng halalan.

Nagpaabot ng lubos na pakikiramay ang COMELEC sa pamilya, mga kaibigan, at mga mahal sa buhay ni Jimenez.

Pinaparangalan ng ahensya ang kanyang pamana ng paglilingkod publiko at ang kanyang mahalagang kontribusyon sa transparency ng halalan at edukasyon ng mga botante.

Ang kanyang tinig, propesyonalismo, at tapang ay mananatili umanong alaala sa kasaysayan ng demokratikong proseso ng bansa.