-- Advertisements --

Inaprubahan na ng House Committee on Higher and Technical Education ang House Bill No. 2778 o ang Student Internship Allowance Act, na magbibigay ng one-time na ₱10,000 allowance sa mga estudyanteng makakatapos ng required internship, practicum, o on-the-job training (OJT).

Ayon kay TINGOG Party-list Rep. Jude Acidre, chair ng komite, layon ng panukala na tulungan ang mga estudyante sa gastusin tulad ng pamasahe, pagkain, at iba pang bayarin habang nagsasanay. 

Saklaw ng benepisyo ang mga mag-aaral mula sa CHED-recognized higher education institutions at TESDA-accredited technical-vocational schools.

Hindi papatawan ng buwis o kaltas ang allowance, at popondohan ito mula sa kasalukuyang budget ng CHED at TESDA, na isasama rin sa General Appropriations Act sa mga susunod na taon.

Ang panukala, na inakda ni Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez at mga kasamang mambabatas ng TINGOG Party-list, ay inaasahang uusad na sa susunod na yugto ng proseso ng lehislatura.

Matapos aprubahan sa committee level ang nasabing panukala iaakyat na ito sa plenaryo.