-- Advertisements --

Pinatitiyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa mga concerned government agencies na pabilisin ang pagtugon sa mga komunidad na tinamaan ng kalamidad.

Ito ang binigyang-diin ni Executive Secretary Ralph Recto ng makipag pulong ito sa Department of Budget and Management (DBM), Office of Civil Defense (OCD), at Department of the Interior and Local Government (DILG).

Sa pulong, binigyang-diin ni Recto ang malinaw na direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na dapat agad at nasa tamang oras na makarating ang tulong sa mga apektadong pamilya. 

Aniya, kinakailangang pasimplehin ang kasalukuyang proseso ng pagsusuri at pag-apruba ng mga kahilingan ng mga lokal na pamahalaan upang maalis ang mga bottleneck at mapabilis ang paglalabas ng tulong at pondo.

Inatasan din ni Recto na ang mga mekanismo ng alokasyon sa ilalim ng National DRRM Fund–Disaster Rehabilitation and Reconstruction Assistance Program (NDRRM-DRRAP) ay dapat magsilbing tulong sa mabilis na implementasyon ng mga programa sa mga apektadong lugar, sa halip na maging hadlang.

Nangako naman ang DBM, OCD, at DILG na magtutulungan nang mas mahigpit upang matiyak ang maagap at maayos na koordinasyon sa pagtugon sa mga kalamidad.