Itinutulak ni Parañaque 2nd District Rep. Brian Raymund Yamsuan ang House Bill 4796 o Magna Carta for Non-Uniformed Personnel (NUP) upang matiyak ang seguridad sa trabaho, disenteng sahod, at sapat na benepisyo ang mga sibilyang kawani sa mga uniformed agency.
Ayon kay Yamsuan, habang tumataas ang sahod at allowance ng military at uniformed personnel ngayong taon, napag-iiwanan naman ang mga NUP na patuloy na tumatanggap ng mababang sahod, mabibigat na trabaho, at kulang sa benepisyo at job security.
Saklaw ng panukala ang NUP sa PNP, AFP, BJMP, BFP, BuCor, PCG, DND, NAMRIA at iba pa.
Layunin nitong pantayin ang salary scale ng NUP sa uniformed personnel, tiyakin ang security of tenure, at magbigay ng mga benepisyong tulad ng overtime pay, hazard pay, leave benefits, retirement at scholarship para sa dependents.
Binigyang-diin ni Yamsuan na mahalaga ang papel ng NUP sa maayos na operasyon ng mga ahensiyang nagpapanatili ng kaayusan at seguridad ng bansa, kaya nararapat lamang na sila’y kilalanin at bigyan ng makatarungang kompensasyon.















