Nanawagan si Parañaque 2nd District Rep. Brian Raymund Yamsuan sa agarang pagpapatupad ng science-based hazard mitigation measures upang mas maprotektahan ang mga komunidad sa harap ng dumaraming kalamidad.
Ayon kay Yamsuan, kailangan ang regular na pag-update ng hazard maps gamit ang makabagong teknolohiya, pagtatayo ng tamang imprastraktura, at paggamit ng nature-based solutions.
Binigyang-diin ng Kongresista na ang matinding pinsalang dulot ng bagyong Uwan at Tino at ng mga lindol sa Visayas at Mindanao ay nagpapakita ng kakulangan sa kasalukuyang paghahanda ng bansa.
Itinutulak ni Yamsuan ang House Bill 4305 o Multi-Hazard Mapping Act para gawing institusyonal ang paggawa at pag-update ng hazard maps, na pangungunahan ng DENR at iba pang ahensya kasama ang LGUs.
Nakabatay ang panukala sa Project NOAH na gumamit ng LiDAR para tukuyin ang danger zones at flood paths.
Sinabi ni Yamsuan na makatutulong ang updated hazard maps sa pagdedesisyon kung saan ligtas magtayo ng imprastraktura, pabahay at evacuation centers, at kung kailan dapat isagawa ang mga hakbanging tulad ng mangrove planting at erosion control.
Idiniin niyang nananatiling pinakadelikadong bansa ang Pilipinas sa World Risk Index 2025 at binanggit ang Japan bilang modelong bansa sa epektibong disaster risk reduction.
















