Umapela si Parañaque 2nd District Rep. Brian Raymund Yamsuan sa Kongreso na ipasa na ang matagal nang nakabinbing batas para sa proteksiyon ng halos 10 milyong freelance workers sa bansa.
Ayon kay Yamsuan, ilang panukala na ang inihain mula pa noong 17th Congress ngunit wala pang umaabot sa ikatlong pagbasa.
Binanggit niyang lumawak na ang freelance sector mula sa remote workers hanggang sa delivery riders, ride-hailing drivers, musicians, graphic artists at iba pang “no work, no pay” workers na madalas walang benepisyo at nagiging biktima ng unfair labor practices.
Isinusulong ni Yamsuan ang Freelance Workers Protection Act (HB 3216), na kasama sa 17 panukalang tatalakayin ng House Committee on Labor and Employment na tinalakay ngayong araw Nobyembre 26, 2025.
Nais nitong gawing mandatory ang written contract, magtakda ng malinaw na terms of service, at obligahin ang hiring party na magbigay ng hindi bababa sa 30% downpayment.
Nakasaad din ang hazard pay, night shift differential, at multa mula ₱50,000 hanggang ₱500,000 para sa paglabag.
Umaasa si Yamsuan na bibilis ang deliberasyon upang maisabatas ang panukala sa kasalukuyang Kongreso, na aniya’y mahalaga upang makapagbigay ng proteksiyon, insentibo, at mas inklusibong labor policy para sa lumalaking gig economy ng bansa.










