-- Advertisements --

Nagpatupad na ng malawakang rigodon o balasahan ang Philippine National Police (PNP) sa ilan nilang mga matataas na opisyal sa ilalim ni PNP Chief Police Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.

Batay sa general orders na pirmado ni Directorate for Personnel Records and Management Police Major General Constancio Chinayog Jr., nakasaaad na epektibo ngayong Lunes, Marso 9 ang naturang mga paggalaw sa mga opisyal ng organisasyon.

Nakasaad din sa order na itinatalaga na bilang bagong hepe ng Special Action Force (SAF) si Police Brigadier Gen. Kenneth Lucas, na dating Regional Director ng Police Regional Office 4A.

Habang hahalili naman sa pwestong kaniyang naiwan si PBGen. Hansel Marantan na dati namang hepe ng Highway Patrol Group.

Ang nabakanteng pwesto naman ni Marantan ay mahahawakan ni PBGen. Jessie Tamayao, na dating Executive Officer ng Directorate for Police Community Relations.

Samantala, inaasahan na hindi rito matatapos ang pagpapatupad ng balasahan sa organisasyon at inaasahan na magkakaroon rin ng paggalaw sa ranggo ng ilan pang opisyal ng PNP.