-- Advertisements --

Patuloy na inaalam ng kapulisan kung sino ang nagmamay-ari ng isang caliber .45 pistol na nakumpiska mula sa isang Grade 12 student sa gate ng Notre Dame of Matalam sa Matalam, North Cotabato, noong Oktubre 1.

Kasunod ito ng magkakasalungat na pahayag ng estudyante at ng kanyang ama tungkol sa kung sino pagmamay-ari ng baril.

Ayon kay Lt. Col. Marvin Hugos, chief of the Matalam Municipal Police Station, patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad kung anong posibleng kaso ang maaaring isampa laban sa ama ng estudyante sa ilalim ng Republic Act No. 10591, o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Samantala, itinanggi naman ng ama ng Grade 12 student, na miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team, na siya ang nagmamay-ari ng baril.

Taliwas naman ito sa pahayag ng kanyang 17-anyos na anak, na ayon sa pulisya ay nagsabing pagmamay-ari ng kanyang ama ang nasabing baril.

Ayon kay Lt. Col. Marvin Hugos, nakadepende sa legal assessment at sa mga ebidensyang makakalap ng mga awtoridad ang magiging desisyon kung anong kaso ang maaaring isampa.