Nakaapekto ang tuloy-tuloy na pag-ulan sa isang konkretong guard gutter sa Purok 5, Barangay Lawili, Aleosan, North Cotabato matapos itong gumuho at mabasag ang bahagi ng istruktura.
Nadamay din ang bahagi ng kalsada sa nasabing lugar.
Batay sa obserbasyon ng mga residente, lumambot ang lupa sa paligid ng gutter dahil sa walang tigil na pagbuhos ng ulan sa mga nakalipas na araw, dahilan ng pagkasira nito.
Wala namang naiulat na nasugatan o naitalang nasirang sasakyan at ari-arian sa insidente.
Inaasahan ang pagdating ng mga kinauukulang awtoridad upang magsagawa ng mas detalyadong inspeksyon at matukoy ang tunay na sanhi ng pagkagiba.
Kasama sa kanilang susuriin ang kalagayan ng konstruksyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente sa lugar.
Patuloy namang pinapayuhan ang mga mamamayan na mag-ingat lalo na sa mga lugar na apektado ng walang tigil na ulan.
















