Dalawang female Philippine Eagle ang magkakasunod na naitalang patay matapos makuryente sa isang powerline sa Mindanao sa pagitan lamang ng tatlong araw.
Unang nakatanggap ng ulat ang Philippine Eagle Foundation (PEF) nitong Oktubre 1, 2026 hinggil sa batang female Philippine eagle na si ‘Salay’ na natagpuang patay sa tabi ng isang poste ng kuryente sa Brgy. Guinabalan, Salay, Misamis Oriental.
Kita rin sa paa nito ang bakas ng pagkasunog na maaaring dulot ng pagkakakuryente, gayundin ang ilan pang mga post-mortem findings sa labi ng agila.
Tatlong araw makalipas ang pagkamatay ni Salay, sumunod namang naiulat ang pagkasawi ng isa pang female Philippine Eagle na si ‘Libertad.’
Namataan itong may bakas ng pagkasunog sa kaliwa nitong pakpak at kanang paa. Kinumpirma rin ng isang beterinaryo na electrocution ang sanhi ng pagkamatay nito.
Natagpuan ang kaniyang labi sa Brgy. Libertad, Arakan, North Cotabato, malapit sa isang nesting site sa Mt. Mahuson na nai-record ng PEF noong 1995.
Noong 2018 naman, una nang nai-report ang pagkamatay ng isang batang Philippine Eagle sa parehong paraan matapos nitong mahawakan ang dalawang linya ng 220-volt power pole na nag-udyok sa organisasyon na makipagtuwang sa Cotabato Electric Cooperative, Inc. (COTELCO) at iba pang kumpanya para bigyan ng angkop na insulation ang mga linya ng kuryente malapit sa mga nesting sites.
Tiniyak naman ni Dr. Jayson C. Ibanez, Director for Operations of the Philippine Eagle Foundation, na gagawan nila ng aksyon ang mga naiulat na insidente.
Ginarantiya na rin ng PEF na agad na nitong balak na imapa ang mga linya ng kuryente na malapit sa mga nesting sites at moving areas ng mga agila upang matukoy ang mga mapanganib na linya, gayundin ang pagdidisenyo ng mga wildlife-safe na plano para sa mga susunod na proyekto.
“We should not wait for another dead eagle before checking the next power pole. We know where many of our eagles nest and move, and we know that dangerous poles can be made safer. The next step is to bring conservationists, engineers, electric cooperatives, national government agencies, local governments and communities together to identify high-risk areas and act before another eagle is lost,” ani Ibanez.
















