Pinayagan ng International Criminal Court (ICC) ang dose-dosenang biktima ng madugong war on drugs sa Pilipinas na lumahok sa pre-trial proceedings laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa desisyong inilabas nitong Enero 26, sinabi ng Pre-Trial Chamber I na ang mga biktimang saklaw ng mga kasong inihain ng prosekusyon ay maaaring makilahok sa confirmation of charges proceedings na magsisimula sa Pebrero 23, 2026.
Saklaw ng kaso ang mga umano’y pagpatay at tangkang pagpatay na may kaugnayan sa Davao Death Squad at sa war on drugs ng administrasyong Duterte mula 2011 hanggang 2019.
Sinuri ng korte ang 304 aplikasyon ng mga biktima. Dito, pinahintulutan ang 29 na indibidwal sa Group A at ang mga aplikante sa Group C, na may sapat na kaugnayan sa sinasabing pinsala sa mga krimeng ikinakaso laban sa dating Pangulo. Sampung aplikasyon sa Group B ang tinanggihan dahil hindi saklaw ng kaso, ngunit maaari pa silang muling mag-apply sa susunod na yugto ng proseso.
Itinalaga ng ICC sina Atty. Joel Butuyan at Atty. Gilbert Andres, kasama ang isang kinatawan ng Office of Public Counsel for Victims, bilang common legal representatives ng lahat ng tinanggap na biktima. Suportado ang legal team ng dalawang field assistants, kabilang sina Atty. Kristina Conti at Atty. Neri Colmenares.
Tinanggihan naman ng korte ang mga pagtutol ng depensa laban sa mga abogado.
Tinanggihan din ng ICC ang kahilingang muling buksan ang aplikasyon para sa karagdagang mga biktima sa ngayon, upang maiwasan ang pagkaantala ng kaso at mapangalagaan ang karapatan ng akusado.
















