Ipinahayag ni Atty. Kristina Conti na may sapat na ebidensya ang International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Aniya, nakapagsumite na ang ICC prosecutor ng 5,051 dokumentong ebidensya na na-disclose sa depensa, bukod pa sa mas marami pang nasa repository.
Nilinaw ni Conti na ang muling witness appeal ay bahagi ng nagpapatuloy na imbestigasyon dahil hindi pa tapos ang investigation phase.
Dagdag pa niya, layon ng panawagan na masiguro ang komprehensibong pagkalap ng testimonya, lalo na mula sa mga dating opisyal ng PNP, PDEA, NBI, barangay at pamahalaan.
Binanggit ni Conti na nakakulong na si Duterte at nasa pre-trial stage pa lamang ang kaso. Giit niya, ang kampo ni Duterte ang dahilan ng pagkaantala ng trial dahil sa mga legal na hakbang na nagpabagal sa proseso.
Sa huli, sinabi ni Conti na mas mainam na kumpleto at masinsin ang ebidensya upang matiyak na “lahat ng sangkot, sapat managot.”















