-- Advertisements --

Nanawagan ang principal counsel ng mga biktima ng war on drugs sa International Criminal Court na kumpirmahin ang mga kaso laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, iginiit na ito ay mahalagang hakbang tungo sa hustisya at kanilang paghilom.

Sa ikalawang araw ng confirmation of charges hearing, sinabi ni Paolina Massidda na natugunan ng ebidensya ng prosekusyon ang pamantayang “substantial grounds” upang paniwalaang may pananagutang kriminal ang dating Pangulo sa tatlong bilang ng crimes against humanity kaugnay ng hindi bababa sa 76 na pagpatay mula 2013 hanggang 2018.

Ayon sa prosekusyon, may “common plan” umanong nagsimula sa Davao at pinalawak sa buong bansa, kabilang ang alegasyon na may “death lists” at mga talumpating naghihikayat ng pagpatay.

Iginiit ni Massidda na matagal nang naghihintay ng hustisya ang mga pamilya ng mga biktima at ang pagkumpirma sa mga sakdal ay pagkilala na mali ang nangyari sa kanila.

Samantala, sinabi ng abogado ng dating Pangulo na si Nicholas Kaufman na inosente ang dating pangulo at ang kanyang mga pahayag ay retorika lamang, at may mga utos umano itong gumamit ng puwersa para lamang sa self-defense.