Iniimbestigahan na ngayon ng National Bureau of Investigation ang nagpakilalang 18-dating mga sundalo na mga dating tauhan din umano ni former Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.
Ito mismo ang kinumpirma ng bagong talagang direktor ng kawanihan na si Atty. Melvin Matibag sa naganap na pulong balitaan ngayong araw.
Aniya’y iniimbestigahan na nila ang pagkatao o ‘background’ ng mga ito kasunod nang biglang lumutang at humarap sa publiko kamakailan.
Ayon kay Bureau of Investigation Chief Matibag, mahalagang malaman at imbestigahan ang mga ito dahil sa kanilang mga ibinunyag na akusasyon at alegasyon laban sa ilang mga opisyal o personalidad.
Giit niya’y kailangan itong masuring maigi lalo na ang kredibilidad ng mga nagpakilalang mga dating sundalo upang matukoy ang katotohanan sa kanilang mga paratang.
May epekto aniya raw kasi ang pagkatao ng mga ito at matiyak na walang ibang dating kaso na siyang maaring maging rason para maapektuhan ang katibayan ng kanilang testimonya.
Gayunpaman, pagtitiyak ng National Bureau of Investigation na magiging balanse ang kanilang pagtutok o pag-iimbestiga hinggil rito.
Subalit binigyang diin ni Atty. Melvin Matibag na kinakailangan pa rin malaman ang kanilang mga ‘background’ para matukoy ang kredibilidad ng mga testimonya.
Sa kabila nito, handa naman aniyang tumulong ang kawanihan na mapanagot ang mga pinaratangan opisyal dawit sa ilegal na gawain.
Ito aniya’y sa oras na matukoy na may kredibilidad ang mga testimonya ng 18-nagpakilalang mga dating sundalo.
Hinimok ng naturang direktor ang grupo na isumite sa tanggapan ang ‘joint-affidavit’ upang pormal na masuri at maimbestigahan ang kanilang mga alegasyon.
















