Iginiit ni Davao City Rep. Paolo Duterte na hindi makakabalik sa Pilipinas si dating Pangulong Rodrigo Duterte hangga’t si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Presidente.
Aniya, nananalangin ang kanilang pamilya na balang araw ay makabalik sa Pilipinas ang dating pangulo, ngunit sa ngayon ay mas pinipili niyang manatili sa The Hague, Netherlands hangga’t si Marcos ang Presidente.
Nagbigay din si Rep. Duterte ng update tungkol sa kalusugan ng kanyang ama. Aniya, maayos ang kalusugan ng dating Pangulo, may nadagdag na timbang, bagaman nananatiling payat ang kanyang mga binti dahil sa kakulangan ng ehersisyo.
Patuloy din umano siyang inaalagaan sa ICC detention facility habang nire-review ng Pre-Trial Chamber ang kanyang kaso kaugnay sa war on drugs.
Ipinaabot din ni Cong. Pulong ang paghikayat ng dating pangulo sa mga Pilipino at militar na sundin ang Konstitusyon at protektahan ang bansa.
Samantala, naglunsad ang mga tagasuporta ng dating pangulo ng signature campaign na “Tay, Kami Naman!” sa Davao City na layong makalikom ng 500,000 lagda at palakasin ang kamalayan ng publiko at hikayatin ang Korte Suprema na aksyunan ang mga kasong may kaugnayan sa umano’y ilegal na pag-aresto at referral ng dating pangulo sa ICC.















