-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Nagpalabas ng babala ang Malay–Boracay Tourism Office para sa mga turistang nagbabalak na pumunta sa Isla ng Boracay kasunod ng dumaraming bilang ng mga hindi rehistrado at mga mapanlinlang na tourism operator na bumibiktima sa mga bisita, lalo na ang mga nagpapa-book ng serbisyo online.

Ayon kay Kathrine Licerio, tagapagsalita ng naturang tanggapan na kasabay ito ng dumaraming report kaugnay sa kaakit-akit na mga online offers para sa mga tour, accomodation, transportasyon, at mga package ng aktibidad.

Aniya, kahit na marami sa mga tourism service provider sa isla ang accredited at sumusunod sa patakaran ng gobyerno, ngunit sinabi ng tourism office na nakaka-alarma ang pagdami ng mga hindi rehistradong operator na sinasamantala ang mga online platform upang makapanloko ng mga bisita.

Nagbabala pa ito na may ilang website at social media profile na gumagamit ng pangalan at mga larawan ng mga lehitimong hotel upang magpakalat ng pekeng anunsyo at promo at mangolekta ng bayad online.

Gumagawa umano ang mga scammer ng dummy o pekeng social media account na nag-aalok ng kaakit-akit na mga promo at hinihikayat ang mga biktima na magpadala ng bayad sa pamamagitan ng e-wallets, bank transfer, o personal na account, kun saan, mahirap na para mga biktima na mabawi ang kanilang pera.

Upang maiwasang mabiktima, hinihikayat ng Boracay Tourism Office ang mga bisita na siguraduhing magpa-book sa mga service provider—maging personal man o online sa mga accredited ng DOT o opisyal na naka-rehistro sa lokal na pamahalaan.