-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Opisyal na sinalubong sa Isla ng Boracay ang kauna-unahang cruise ship arrival ngayong 2026 matapos dumaong ang MV Luminara sa maiden call nito lulan ang nasa 800 turista at crew.

Ayon kay Kathrine Licerio, tagapagsalita ng Boracay-Malay Tourism Office, isinagawa ang plaque exchange ceremony sakay ng naturang barko bilang pasasalamat ng lokal na pamahalaan ng Malay sa pagpili ng MV Luminara sa Boracay bilang destinasyon ng mga pasahero nito.

Nagmula ang barko sa Hong Kong at pagkatapos ng kanilang Boracay trip ay dumeretso sa sumunod na destinasyon sa Japan.

Pinangunahan ang seremonya ng provincial government ng Aklan sa pangunguna ni Gov. Jose Enrique M. Miraflores, kasama ang LGU-Malay.

Nakibahagi rin ang mga kinatawan ng Department of Tourism Region VI, Philippine Ports Authority, at iba pang mga tourism stakeholders.

Ang pagdaong ng MV Luminara ang unang cruise ship call sa Boracay ngayong taon at inaasahang darating ang isa pa sa Enero 27.

Maliban dito, 13 iba pang cruise ship arrivals ang inaasahan sa Boracay hanggang matapos ang taong kasalukuyan.

Patunay umano ito na ang Boracay ngayon ang nangungunang cruise tourism destination sa bansa.