Mas maraming bisita ang dumating nitong Huwebes sa Quezon City Jail Male Dormitory upang dalawin si dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr., sa ikatlong araw ng kanyang pagkakakulong kaugnay sa flood control scandal.
Kabilang sa mga dumalaw ang kanyang asawa na si Cavite 2nd District Rep. Lani Mercado at anak na si Gianna. May ilang dumalaw ring nagdala ng pagkain, na pinayagan ng BJMP, bagama’t bawal ang pagluluto sa loob ng pasilidad.
Kasabay nito, inilabas ng DILG at PNP ang mga mug shot ni Revilla at anim pang iba na nakakulong kaugnay ng kaso. Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, walang special treatment kay Revilla at isa lamang siyang regular inmate sa Payatas City Jail. Tanging sa konsultasyon lamang sa mga abogado pinapayagan ang paggamit ng gadgets.
Paliwanag ni Remulla, pansamantalang nasa individual cells si Revilla at ilan sa kanyang mga kapwa akusado dahil sa mandatory seven-day quarantine para sa mga bagong pasok na inmates.
Iniutos ng Sandiganbayan ang pagkakakulong ni Revilla sa QC Jail matapos siyang kasuhan ng Ombudsman ng malversation kaugnay ng umano’y ₱92.8-milyong ghost flood control project sa Pandi, Bulacan. Kinumpirma rin ni Remulla na pumasa si Revilla sa medical exam at pinaiigting ang seguridad sa paligid ng QC Jail dahil sa high-profile na kaso.
















