Inihain ng partidong Lakas–Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD), sa pamumuno ni Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez, ang panukalang “Ginhawa sa Paghahanap ng Trabaho Act,” na layong gawing mas madali at mas abot-kamay ang proseso ng paghahanap ng trabaho para sa mga aplikante, lalo na sa mga first-time jobseekers at kabataang Pilipino.
Ayon kay Romualdez, bahagi ang panukalang House Bill (HB) No. 8192 ng GINHAWA KIT (Kuryente–Internet–Trabaho) legislative package ng Lakas-CMD, na naglalayong magbigay ng konkretong ginhawa sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pagtugon sa gastusin sa kuryente, akses sa internet, at mas maraming oportunidad sa trabaho.
“ This is an important and integral reform that Lakas-CMD is pushing because jobseekers deserve a process that respects their time, protects their documents, save resources, and helps them get hired faster. Part ito ng GINHAWA KIT package we envision to deliver real relief to the underprivileged and underserved, so the first step into work becomes simpler, safer, and more dignified for Filipino families,” pahayag ni Romualdez, Lakas-CMD President.
Kasabay nito, inihain din ng partido ang HB 8191, na naglalayong magbigay ng pantay na 50 porsiyentong diskuwento sa singil sa kuryente para sa mga kwalipikadong sambahayang minimum wage earner para sa kanilang pangunahing tirahan, pati na rin ang awtomatikong lifeline enrollment para sa mga marginalized at vulnerable na konsyumer.
Inihain nina Deputy Speaker David “Jayjay” Suarez ng Quezon at Deputy Speaker Jay Khonghun ng Zambales ang panukalang batas para sa Lakas-CMD.
Ipinaliwanag ni Romualdez, na layunin ng panukala na i-modernisa ang First Time Jobseekers Assistance Act, dahil sa kasalukuyan ay hindi na lamang bayarin ang problema ng mga aplikante kundi pati ang paulit-ulit at magkakahiwalay na mga dokumentong hinihingi bago pa man makakuha ng job offer.
Sa ilalim ng panukala, lilimitahan sa isang makatwirang set ng mga dokumento ang mga hinihingi sa unang yugto ng aplikasyon. Ipinagbabawal din sa mga employer ang paghingi o pagkuha ng orihinal na civil registry documents tulad ng birth certificate o marriage certificate ng aplikante.
Dagdag pa rito, ipatutupad ang “No Multiple Clearance Rule,” kung saan hindi na maaaring humingi ang employer ng karagdagang police clearance kung nakapagsumite na ang aplikante ng NBI clearance para sa parehong layunin ng security screening, maliban kung may partikular na batas na nangangailangan nito.
Upang maiwasan ang biglaang dagdag na requirements, kinakailangan din sa panukala na malinaw na ilahad ng mga employer sa job postings o application forms ang mga standard documentary requirements at mga ipinagbabawal na gawain, kabilang ang pagbabawal sa paghingi ng orihinal na civil registry documents.
Itinataguyod din ng panukala ang mas modernong sistema ng pagkuha ng empleyado sa pamamagitan ng Employment Verification Service na isasama sa eGovPH platform. Ito ay bubuuin ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa pakikipagtulungan sa Department of Labor and Employment (DOLE), Civil Service Commission (CSC), at iba pang ahensya ng pamahalaan.
Sa pamamagitan ng QR-enabled verification, maaaring beripikahin ng mga employer ang piling impormasyon sa job application gamit ang pahintulot ng aplikante. Layunin nitong mabawasan ang paulit-ulit na pagsusumite ng hard copies ng dokumento at mapabilis ang pagdedesisyon sa pagkuha ng empleyado, habang sinusunod ang mga pamantayan sa data privacy at cybersecurity.
Nilagyan din ng panukala ng safeguard upang hindi maiwan ang mga aplikanteng walang smartphone o maayos na internet. Sa ilalim nito, maaaring humingi ng tulong ang mga jobseeker sa Public Employment Service Offices (PESO) at iba pang service points upang makakuha ng verification tokens o printed verification receipts.
Upang mahikayat ang mga employer na magbigay ng pagkakataon sa mga first-time jobseekers, nakahanay rin ang implementasyon ng panukala sa CREATE MORE Act, na nagbibigay ng karagdagang tax deductions sa mga rehistradong negosyo para sa gastos sa training at pagpapataas ng labor productivity ng mga bagong empleyado sa unang anim na buwan ng kanilang trabaho.
Kabilang sa mga co-author ng panukala ang mahigit 80 mambabatas mula sa iba’t ibang distrito at party-list groups, na nagpapakita ng malawak na suporta sa hakbang na gawing mas simple, makatarungan, at makatao ang proseso ng paghahanap ng trabaho sa bansa.










