-- Advertisements --

Kinumpirma ni Senador Raffy Tulfo na wala siyang planong tumakbo bilang pangulo sa 2028, sa kabila ng halos tabla niyang rating sa mga lumalabas na survey kay Vice President Sara Duterte.

Sa isang panayam, nagpasalamat si Tulfo sa patuloy na tiwala ng publiko ngunit nilinaw na mas nais niyang ipagpatuloy ang kanyang trabaho bilang senador.

“Well, una sa lahat, buong pakumbaba, ako po ay nagpapasalamat sa tiwala. Pero I said it before and I’m gonna say it again, wala pa akong balak na tumakbo as President sa 2028,” ani Tulfo.

Sa halip, kinumpirma ng senador na muli siyang tatakbo para sa re-election sa Senado.

“Final answer… hindi talaga. Maski na magpahanggang langit,” pahayag ni Tulfo.

Ayon pa sa senador, kuntento siya sa kanyang kasalukuyang posisyon at naniniwala siyang mas marami pa siyang magagawa bilang mambabatas.

Dagdag niya, mas mabigat din ang responsibilidad ng pagiging pangulo, na aniya’y may kaakibat na mas maraming “sakit ng ulo,” dahilan upang hindi niya hangarin ang mas mataas na posisyon sa ngayon.