-- Advertisements --

Nilinaw ng aktor na si Dingdong Dantes na wala siyang planong pasukin ang pulitika sa kabila ng paglutang ng kanyang pangalan sa ilang survey para sa posibleng Senate candidates sa 2028 national elections.

Ayon kay Dong, mas nais niyang manatili sa industriya ng pag-arte at hindi muna sumabak sa politika.

Aminado ang aktor na bagama’t may interes siya sa pagtulong sa kapwa, hindi ito nangangahulugan ng pagtakbo sa anumang posisyon sa gobyerno.

Sa kasalukuyan, aktibo si Dantes bilang chairman ng Aktor PH o League of Filipino Actors, isang organisasyong naglalayong isulong ang kapakanan, karapatan, at career development ng mga aktor sa Pilipinas, kabilang ang mga taong nasa likod ng kamera sa pelikula at telebisyon.

Ayon sa aktor, nagsimula ang kanyang mas aktibong adbokasiya noong panahon ng pandemya, nang lumutang ang mga hamon at kawalan ng katiyakan sa industriya.

“Nu’ng panahon na marami tayong uncertainties, marami tayong tanong sa industriya, sa sarili natin, sa kalusugan, maraming fears. Pero higit sa lahat, doon nangibabaw ang hopes,” ani Dingdong.

Dagdag pa niya, malaki ang naging epekto sa kanya ng pagiging bahagi ng isang komunidad na nagmamalasakit sa kapwa.

Ipinagdiriwang din ni Dingdong ang kanyang ika-30 taon sa industriya ng showbiz, kasabay ng patuloy niyang aktibong pag-gawa ng pelikula, at teleserye sa telebisyon.