Pinili munang hindi isapubliko ni Vice President Sara Duterte kung sino ang kaniyang magiging running mate para sa darating na national elections sa 2028.
Sa isang panayam sa Bise Presidente sa Davao City, sinabi nito na mayroon na siyang nakausap nitong nakaraang taon para maging kaniyang bise sa 2028 elections ngunit hindi pa aniya ito nagbibigay ng kaniyang desisyon hinggil sa alok ni VP Sara.
Giit pa ng Bise Presidente, antayin na lang muna ang magiging sagot nito sa kaniyang paanyaya at huwag na munang guluhin upang maiwasan na rin ang mga aniya’y political attacks laban sa kanilang posibleng tandem.
Maliban dito, kinumpirma rin ng Pangalawang Pangulo na apat na indibidwal na rin ang lumapit sa kaniya upang maging bahagi ng senatorial slate niya para sa napipintong eleksyon.
Samantala, hindi naman nagbigay ng kaniyang malinaw na kwalipikasyon ang Bise para sa kaniyang magiging senatorial candidates.
















