Sinabi ng Palasyo Malacañang na masyado pang maaga upang talakayin ang mga posibleng kandidato para sa 2028 national elections.
Ginawa ng Palasyo ang pahayag kasunod ng kumpirmasyon ni Naga City Mayor Leni Robredo na wala siyang planong tumakbo sa anumang national position sa 2028, at nakatuon siya sa pagtugon sa pangangailangan ng Naga City.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, nananatiling nakatuon din ang Pangulong Marcos Jr. sa pamamahala at sa mga agarang isyung kinahaharap ng bansa, sa halip na mag-pokus sa pamumulitika.
Binigyang-diin ni Castro na prayoridad ng Pangulo ang pagtugon sa mga problema sa bansa partikular ang nararanasang tensyon sa Middle East upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng produktong petrolyo.
Gayundin ang pagpapatupad ng mga programa ng pamahalaan para sa mga mamamayan.
Samantala, nauna nang nagpahayag ng intensyon na tumakbo sa pagkapangulo sa 2028 si Vice President Sara Duterte.
Muling iginiit ng Malacañang na sa kasalukuyan, hindi politika kundi trabaho ang pangunahing pokus ng administrasyon.
















