-- Advertisements --

Inaasahan ng gobyerno ng Pilipinas na mailalabas na ang desisyon sa kanilang hiling na mag-isyu ng Red Notice ang International Criminal Police Organization (Interpol) laban kay dating presidential spokesman Atty. Harry Roque.

Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, opisyal nang nagpaso ang anim na buwang proseso ng aplikasyon para sa asylum ni Roque sa Netherlands ngayong linggo.

Kayat, posible umanong malaman ngayong araw kung pagbibigyan o hindi ang kanilang hiling.

Kasalukuyan ngang wanted si Roque dahil sa human trafficking case may kaugnayan sa iligal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub na Lucky South 99 sa Porac, Pampanga.

Nauna nang humiling ang gobyerno ng Pilipinas ng Red Notice para kay Roque noong Nobiyembre ng nakalipas na taon.

Humiling naman ng asylum si Roque sa Netherlands subalit napaulat na ini-refer siya sa Austria sa ilalim ng European Union’s Dublin Regulation, na nagsasaad na ang unang member state of entry ang responsable sa pagproseso ng asylum application.

Ayon kay Remulla, sakali mang hindi pagbigyan ang kahilingan ni Roque para sa asylum, papalayasin siya mula sa naturang bansa dahil wala siyang travel papers at dahil na rin sa kinakaharap niyang human trafficking case na ipinagbabawal sa lahat ng bansa.